Tagalog News: Ampatuan ibinalik sa bilangguan matapos tuligsain ni Justice Secretary de Lima ang "special treatment"
Manila (12 July) -- Ibinalik na sa bilangguan mula sa isang military hospital si dating Maguindanao governor Andal Ampatuan Sr. isang araw matapos tuligsain ni Justice secretary Leila de Lima ang umano'y "special treatment" sa ama ng suspetsado sa massacre ng mahigit 57 katao noong isang taon.
Ayon kay chief Inspector Ermilito Moral, officer-in charge ng Quezon city Jail Annex sa Camp Bagong Diwa, ibinalik na si Ampatuan Sr. sa Bicutan facility noon pang araw ng Biyernes.
Si Ampatuan Sr. na dating kasama ang mga anak sa detention cell ay pansamantalang ihihiwalay hanggang lumabas ang resulta ng kanyang medical examinations.
Matatandaang isinugod sa V. Luna Hospital si Ampatuan Sr. noong nakaraang linggo matapos aprubahan ni Judge Jocelyn Solis-Reyes ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221 ang kanyang hiling na payagan itong makapagpagamot sa sakit na "herpes zoster" o "shingles."
Kinuwestiyon ni de Lima ang umano's "special treatment" na ibinigay kay Ampatuan Sr, na sakay sa kanyang lexus sport utility vehicle habang ito ay papuntang pagamutan. (ac agad PIA12) [top]