Tagalog News: NAT itinakda ng DepEd
by Andrew Hornales
Manila (13 February) -- Unti-unting nabibigyan ng katuparan ang isa sa mga layunin ng pamahalaang panlalawigan ng Sultan Kudarat na mapabuti ang kalidad ng edukasyon sa buong lalawigan. Ito'y makaraang itinakda ng Department of Education (DepEd) ang pagsagawa ng National Achievement Test (NAT) para sa mga Grade 3 at Grade 6 pupils ng elementary level; at 2nd year high school students para sa secondary level.
Ang naturang assessment examination ay isinasagawa upang malaman at matukoy ang kaalaman at kakayahan ng mga mag-aaral sa kani-kanilang mga antas.
Batay sa pinakahuling resulta ng NAT, tumaas ng 12% ang Mean Percentage Score (MPS) ng mga Grade 6 pupils sa mga asignaturang English at Mathematics, habang 10% naman ang itinaas sa asignaturang Science.
Ang patuloy na pagsubaybay sa kakayahan ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng assessment examination, ayon kay DepEd Secretary Jesli Lapuz ay malaking tulong sa pagbuo ng mga pamamaraan upang mapaunlad ang sistema ng edukasyon sa buong bansa.
Ang eksaminasyon para sa mga nasa ikatlong baiting ay gaganapin sa ika-4 ng Marso, habang ang mga Grade 6 pupils naman ay maaaring kumuha ng eksaminasyon sa ika-6 ng Marso. Pangungunahan din ng National Education Testing and Research Center ang eksaminasyon ng mga 2nd year high school students sa ika –11 ng Marso. (PPDO-SK-Sultan Kudarat/PIA 12) [top]