Tagalog News: Roundup: DA sinimulan na ang pamamahagi ng fertilizer discount coupons
Manila (10 July) -- Sa layuning mapataas ang ani ng mga magsasaka sa bansa, sinimulan na ng Kagawaran ng Agrikultura ang pamamahagi ng fertilizer discount coupons sa mga magsasaka bilang tugon ng pamahalaan sa nagtataasang presyo ng abono at iba pang farm inputs sa kasalukuyan.
Ang hakbang na ito ng DA ay bilang pagtalima sa kautusan ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na tulungan ang mga magsasakang mapa-unlad ang kanilang pamumuhay sa pamamagitan ng paggamit ng de-kalidad na mga binhi ng palay at ang pagpapa-igting sa pamimigay ng fertilizer discounts coupons.
Ang pondo para sa nasabing program ay kukunin mula sa internal revenue allotment ng local government units noong 2002-2004 kung saan tinatayang 2.58 million ektaryang sakahan sa bansa ang mabibinepisyuhan ng nasabing programa.
Tiwala ang Pangulong Arroyo na sa pamamagitan ng pamamahagi ng fertilizer subsidy at iba pang tulong sa mga magsasakang Pilipino, maaabot nito ang hangaring magkaroon ng sapat na supply ng bigas ang Pilipinas hanggang sa susunod na pang mga taon. (Abbenal/PIA 12)
Grounbreaking ceremony ng AUFMC medical tower pinangunahan ni PGMA
Pinangunahan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang ground breaking ceremony para sa ng pagpapatayo ng unang limang palapag ng state-of-the-art 11-storey building medical tower ng Angeles University Foundation Medical Center (AUFMC) Angeles, Pampanga na nagkakahalaga ng P330 million.
Ang nabanggit na hospital ay inaasahang pinangalanang Dona Evangelina M. Macapagak Medical Tower na magbibigay ng specialized healthcare services maliban sa general hospital services na iniaalok ng dating AUFMC. Ito ay magkakaroon ng karagdagang limampung (50) pribadong silid, dalawampu't-pitong (27) doctor's clinic, modern neo-natal intensive care unit at iba't-ibang pasilidad.
Ayon kay AUFC President at CEO Dr. Emmanuel Angeles, ang pagpapatayo ng nabanggit na hospital ay naglalayong makapagbigay ng mas mabilis at epektibong serbisyo sa mga mamamayan at makatulong lalo na sa mga mahihirap.
Dagdag pa ni Angeles, palalawakin pa ng Doņa Evangelina Medical Tower ang Medical Indengency program nito na kasalukuyang nakatulong sa dalawampu't-anim (62) na libong pasyente sa loob ng labing-walong (18) taon. (Lgtomas/PIA 12)
Konstruksyon ng MRT 7 makukumpleto sa loob ng 12 buwan
Inaasahang matatapos na ang konstruksyon ng Metro Rail Transit (MRT) 7 na mag-uugnay sa West Avenue, Quezon City at Monumento sa Balintawak, Caloocan City sa loob ng dalawampung buwan at magkukumpleto sa MRT loop sa Metro Manila.
Ang MRT 7 ay kabilang sa big-ticket infrastructure projects ng Pamahalaang Arroyo sa Metro Manila. Sa pamamagitan ng nasabing proyekto mapapalawak pa ang operasyon ng Light Rail Transit (LRT)-MRT network at mapapa-unlad din ang pagbibigay serbisyo sa mga pasahero lalo na sa mga empleyado at estudyante kung saan mapapadali na ang biyahe ng mga ito sa mas abot kayang pamasahe.
Inaasahan din ang pag-uugnay ng SM North at MRT station at Monumento dagdag pa dito ang pagpapalawak ng "bullet train" network patungong Bulacan.
Samantala itinuturing naman na kauna-unahang mass transport system sa buong Southeast Asia ang Light Rail Transit (LRT) kung saan tatlong taon ang agwat nito sa MRT ng bansang Singapore. Ito ay pinangangasiwaan ng Light Rail Transit Authority (LRTA), government owned and controlled corporation (GOCC), ang ng Department of Transportation and Communications (DOTC). (Abbenal/PIA 12)
P500 subsidy "Pantawid Kuryente: Katas ng VAT" program
Inihayag ni Social Welfare and Development Secretary Esperanza I. Cabral na mahigit 80% beneficiaries mula sa Metro Manila ang tumanggap ng P500 subsidy payments para sa electric bill sa ilalim ng programang Pantawid Kuryente: Katas ng VAT program. Ayon sa pinakahuling ulat mahigit 650,250 consumers na ang nabenepisyuhan ng programa mula sa Metro Manila, Region III at ang Region IV-A,
Umabot na rin sa mahigit P325,125,000 ang halagang naipalabas ng pamahalaan sa pangkalahatan. Sa NCR ay mayroong 432,737 claimants; 66,828 Region III at 150,685 ng Region IV-A
Samantala, isang Memorandum of Agreement sa pagitan ng DSWD at National Electrification Administration (NEA) ang nilagdaan noon pang nakaraang June 12, 2008 para sa pag-download ng P500 million ng NEA na ipamamahagi sa mga electric cooperatives.
Tumanggap na rin ng P500 million electric subsidy ang NEA mula sa DSWD at nakapag-isyu na ito ng implementing guidelines hinggil sa pag-implementa ng "Pantawid Kuryente: Katas ng VAT" program sa 119 electric cooperatives sa buong bansa.
Nauna ng ipinag-utos ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang pagbibigay ng P500 one-time cash subsidy sa mga electric consumers na gumagamit ng 100 kilowatt hours pababa para sa billing period na nagsimula pa noong buwan ng Mayo. (KAlbay/PIA 12)
Pagdiriwang ng 8th Association of Southeast Asian Nation S&T Week patuloy
Kasalukuyan at patuloy pa ring ipinagdiriwang sa bansa ang 8th Association of Southeast Asian Nations Science and Technology Week mula sa unang araw ng Hulyo at magtatapos bukas (July 11) na ginaganap sa World Trade Center, Pasay City.
Sa pangunguna ng Department of Science and Technology (DOST), ang ASEAN S&T Week ay kasabay din ng pagdiriwang ng 50th anniversary ng DOST at annual celebration ng bansa sa National Science and Technology Week (NSTW) ngayong taon na may temang "Making Science Work for You."
Ang ASEAN S&T Week ay isa sa mga pangunahin at patuloy na isinasagawa sa ASEAN S&T cooperation na naglalayong maisulong ang pagpapaunlad sa siyensyia at teknolohiya sa rehiyon sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga pamamaraan para sa participation at collaboration sa regional S&T programs.
Ang ASEAN S&T Week ay ipinagdiriwang sa bawat tatlong taon at ang pagho-host ng mga bansa ay umiikot sa mga ASEAN member countries na kinabibilangan ng Brunei Darrusalam, Cambodia, Indonesia, Lao PDR, Malaysia, Myanmar, Philippines, Singapore, Thailand at Vietnam. (Lgtomas/PIA 12)
Pangulo tiwala sa kakayahan ni Neri na pangasiwaan ang SSS
Inihayag ni Executive Secretary Eduardo Ermita na malaki ang tiwala ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kakayahan ni Commission on Higher Education (CHED) chairman Romulo Neri na pangasiwaan ang Social Security System (SSS) simula August 1, 2008.
Ito ang naging tugon ni Ermita sa lumalabas na spekulasyon kaugnay sa pagtalaga ng Pangulo kay Neri bilang administrator ng SSS, isang state-run pension agency, kapalit ni Corazon dela Paz na nag-resign kamakailan lamang.
Ani Ermita, ang isinasagawang appointments ng Pangulong Arroyo ay batay na rin sa kanyang tiwala sa kakayahan ng isang opisyal kung saan karapat-apat umano si Neri sa bagong posisyong itinalaga ng Pangulo sa kanya.
Dagdag pa ni Ermita, si Neri ay may malawak na kaalaman sa economic matters. Siya ay naging director general din ng Congressional Planning and Budget Office (CPBI) sa House of Representatives. (Abbenal/PIA 12)
PGMA bukas para sa closed-door dialogue sa mga miyembro ng CBCP
Inanunsiyo ni Executive Secretary Eduardo Ermita na nakatakdang magsagawa ng closed-door dialogue si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo kasama ang mga miyembro ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) upang talakayin ang pagtugon ng pamahalaan sa nagtataasang presyo ng produktong petrolyo at mga pangunahing bilihin sa pamilihan at pag-uusapan din ang mga isyung pangkabuhayan ng maraming mahihirap na Pilipino.
Ang nabanggit na pagpupulong ay naglalayong ipaabot sa CBCP kung papaano makikipag-ugnayan ang mga ito sa pamahalaan upang makatulong sa pagpapabawas ng epekto ng nagtataasang presyo ng mga bilihin at kung papaano ipapaabot sa mga mamamayan ang tamang impormasyon hinggil dito.
Ipapaliwanag din umano ng Pangulo at ilang economic managers sa CBCP ang dahilan kung bakit hindi pwedeng tanggalin ng pamahalaan ang 12% tax sa oil importation at ang pagbibigay ng pamahalaan ng subsidy sa bigas at fertilizers pati na rin ng iba't-ibang programa ng pamahalaan upang matulungan ang mga mamamayan.
Umaasa naman si Ermita na pagkatapos ng dialogue, maliliwanagan ang mga Obispo kung ano talaga ang tunay na sitwasyon ng ekonomiya ng bansa at maiintindihan din ng mga ito ang mga paraan ng pamahalaan sa pagbibigay tugon sa suliranin sa kahirapan. (Lgtomas/PIA 12)
PGMA SONA 2008 nakatuon sa pagbibigay ng subsidy
Inihayag ni Executive Secretary Eduardo Ermita, na ang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ngayong taon, ay nakatuon sa pagbibigay ng subsidy sa mga mahihirap para sa elektrisidad, produksiyon para sa pagkain at imprastruktura.
Si Ermita na kasalukuyang ding nagsisilbing Presidential Spokesman bilang Kapalit ni Press Secretary and Presidential Spokesman Ignacio R. Bunye na lumipat sa Monetary Board, ay nagpahayag din na ang Pangulong Arroyo ay kasalukuyan ay mayroong ng dokumento para sa gagawing SONA para sa taong 2008.
Maliban sa Subsidies sa kuryente, food productions, infrastructure tatalakayin din ng Pangulo ang roll-on, roll-off (RORO) ng Strong Republic Nautical Highways (SR-NH) at ang pagbabalanse ng badyet ng pamahalaan. (KAlbay/PIA 12) [top]