Tagalog News: Relief assistance patuloy sa Sultan Kudarat
by Andrew Hornales
Koronadal City (23 July) -- Ipinagpatuloy ng pamahalaang panlalawigan ng Sultan Kudarat sa pamumuno ni Governor Teng Magudadatu kaisa ang mga provincial departments ang pag-aabot ng tulong sa mga biktima ng bagyong Frank sa buong lalawigan.
Sa kasalukuyan, pinag-iibayo ng municipal at provincial governments sa pakikiisa ng iba't ibang personalidad at ahensiya at pagbibigay ng relief assistance sa mga pamilyang nananatili pa rin sa mga evacuation centers lalo na sa mga bayan ng Lambayong at Esperanza.
Ang mga bayan ng Lambayong at Esperanza ay ilan sa mga lugar sa buong bansa na matinding sinalanta ng paghagupit ng bagyong Frank kamakailan lamang.
Batay sa assessment ng pamahalaan ng Sultan Kudarat, umaabot sa P26M ang halagang nasira mula sa mga pananim, ari-arian at mga proyektong imprastraktura sa buong lalawigan.
Iniulat naman ni Gng. Albinus Agduma, chairwoman ng Council Personnel Officers (CPO) na patuloy ang pagsisikap ng provincial government ng Sultan Kudarat sa pagsasagawa ng mga intervention measures pang matugnan ang mga basic needs ng mga evacuees.
Kabilang sa mga basic needs na ipinamahagi sa mga evacuees ang mga damit, gamot at pagkain.
Kaugnay nito, nananawagan ang mga lokal na opisyal ng Sultan Kudarat ng kaunting assistance mula sa mga pribado at pampublikong sektor at sa mga taong nais tumulong upang mapagaan ang kanilang mahirap na kalagayan.
Para sa mga nais tumulong, maaaring ihatid ang inyong donations sa mga municipal governments ng Lambayong at Esperanza, Office of the Senior Citizens Affairs o di kaya'y sa Provincial Welfare and Development Office na matatagpuan sa provincial capitol bilding. (PPDO Sultan Kudarat/PIA 12) [top]