PIA Press Release Wednesday, January 11, 2012Tagalog News: 144 kooperatiba sa Palawan natulungan sa 2011PUERTO PRINCESA CITY, Palawan, Enero 11 (PIA) -- May kabuuang 144 na kooperatiba ang natulungan ng iba’t-ibang credit assistance program ng Provincial Cooperative Development Office (PCDO) noong 2011. Ayon PCDO, ang Livelihood Credit Assistance Program o LICAP, na may kabuuang pondo na P4.35 milyon, ay nagbenepisyo ng tig-P50,000 na tulong puhunan sa 87 kooperatiba. Sa ilalim naman ng Upgrading Support for the Advancement of Cooperatives o USAD, 31 kooperatiba ang nabenipisyuhan ng tig-P100,000. Ang Sustained Livelihood and Growth of Cooperatives naman na may pondong P2.4 milyon ay nagbenepisyo ng tig-P300,000 sa walong kooperatiba at 13 kooperatiba naman ang nabenepisyuhan ng P500,000 sa ilalim ng Tulong sa Kooperatiba o TKP program na may kabuuang pondo na P6.5 milyon. Maliban pa dito ang dalawa pang kooperatiba na napahiram ng tulong puhunan sa ilalim ng SULONG, samantalang tatlong kooperatiba pa ang benepisyuhan ng P100,000 sa tulong naman ng USAD bago matapos ang taon. Base sa pagsusuri ng PCDO, bukod sa malaking naitutulong ng credit assistance program sa mga kooperatiba, nagiging mas responsable ang mga miyembro nito dahil sa obligasyon na ibalik ang puhunan na ipinahiram sa kanila. Bukod sa mga tulong puhunan ay nagbigay rin ng mga libreng pagsasanay ang PCDO tulad ng Pre-Membership Education Seminar, Cooperative Refresher Course, Leadership Training and Strategic Planning, Simplified Bookkeeping and Accounting, Credit Management at iba. Samantala, naging co-host naman ang PCDO sa 3rd Philippine Cooperative TEAMshop na matagumpay na naisakatuparan sa pakikipagtulungan ng National Cooperative Development Council at pamahalaang panlalawigan noong nakaraang taon. Ang teamshop ay dinaluhan ng humigit isang libong partisipante mula sa iba’t ibang kooperatiba sa buong bansa. (PIO/OCJabagat/PIA 4B-Palawan) |