PIA Press Release Monday, January 16, 2012Tagalog News: Pangangalaga sa Mt. Halcon isinusulongni Louie T. CuetoCALAPAN CITY, Oriental Mindoro, Enero 16 (PIA) -– Ang pamahalaang panlalawigan ng Oriental Mindoro, Mindoro Biodiversity Conservation Foundation Inc. kasama ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay nagpulong kamakailan upang tukuyin ang wastong pangangalaga sa Mt. Halcon. Layunin din ng pagpupulong na alamin ang kasalukuyang kalagayan ng bundok at kaugnayan nito sa madalas na pagbaha sa lalawigan. Kasama rin sa isinagawang pagpupulong ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), non-government organizations (NGOs), at iba pang grupo mula sa pamahalaan at lalawigan. Samantala, binigyang-diin ni provincial administrator Angel M. Saulong na dapat direktang tukuyin ang mga higit na kinakailangan gawing solusyon ng sa gayon ay mapabilis ang pagtugon ng pamahalaang panlalawigan sa mga pangangailangan ng mga ahensiyang nagtutulung-tulong sa pangangalaga ng Mt. Halcon. Dahil dito, napagkasunduan na sa darating pang mga pagpupulong na kailangang isaalang-alang ang opinyon ng mga katutubo sa pagtulong at pakikilahok sa mga programa para sa Mount Halcon sapagkat sila ang higit na nakakaalam ng kalagayan ng kanilang itinuturing na tahanan. (LBR/PIO/LTC-PIA 4B) |