PIA Press Release Saturday, January 14, 2012Tagalog News: Bulag at premiyadong manunulat, mapaparangalan sa Ilocos Surby Ben P. Pacris VIGAN CITY, Jan 14 (PIA) -- Kakaibang manunulat at mamamahayag si Crisostomo Ilustre, ang “Fr. Jose Burgos Awardee for Literature” sa 2011 dahil inihalintulad siya kay Pedro Bucaneg, ang bulag na itinuturing na Ama ng Iluko Literature. Sinabi ni Bokal Jeremias Singson sa naganap na Provincial Board session sa Kapitolio noong Martes na maparangalan si Ilustre sa prestihiyosong award dahil sa kanyang kakaibang ambag sa pagpapayabong ng panitikang Iluko para mapreserba sa mga susunod na salinlahi. Karapat-dapat lang na parangalan ng pamahalaang probinsyal ng Ilocos Sur ang isang modelong manunulat at mamamahayag na tulad ni Ilustre na angkop ang kanyang “Siglat Award” o “Galing” na ipagkakaloob sakanya sa pagdiriwang ng “Kannawidan” (Tradisyon) Festival na magaganap sa Heritage City sa unang Linggo ng Pebrero, sinabi Singson. Maliban sa plaque of recognition, tatanggap din si Cris, tawag sa kanya ng mga kapuwa niya mamamahayag, ng cash award mula sa provincial government. “Nagpapasalamat din ako kay Gov. Chavit Singson, Vice-Gov. DV Savellano at ang provincial board sa award na ipagkakaloob nila sa inyong lingkod. Sisikapin ko pa ang lahat ng aking makakaya para sa pag-usbong ng sarili nating literatura at kultura,” sinabi ng 71 taong gulang na dating reporter ng Voice of America . Pinarangalan ng Unyon ng mga Manunulat na Pilipino (UMPIL) si Ilustre noong Agosto 27, 2011 sa Makati bilang modelong manunulat na Ilokano. Noong Oktobre 3 sa nakaraang taon, pinarangalan din ng Gunglo Dagiti Mannurat nga Ilokano (GUMIL) o Asosasyon ng mga Manunulat na Ilokano sa Ilocos Sur bilang modelong manunulat dahil sa mga nanalo niyang akda. Nanalo na siya sa iba’t-ibang patimpalak sa pagsusulat ng Iluko Short Stories na itinaguyod ng Sta. Raffaella Ilocano Community sa Rome, Italy; Reynald F. Antonio Award for Iluko Literature sa Alaska; at iba pang sponsors na grupo ng mga Ilokano sa Amerika. Si Crisostomo Ilustre ay chairman ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP)- Ilocos Sur Chapter, station manager ng DWVN Magic FM, at production manager ng Iluko Heritage Channel. Dahil sa katarata at katandaan, nabulag si Ilustre ngunit kabisado niya ang pagtipak ng kanyang makinilya o typewriter na ipinapa-encode niya sa kanyang anak kung gumagawa siya ng mga akda sa mga patimpalak. (ANL/BPP-PIA 1 Ilocos Sur) |