PIA Press Release Friday, January 13, 2012Tagalog News: Mga harang sa mga delikadong imprastraktura, huwag alisin - DPWHni Lyndon PlantillaSanta Rosa, Nueva Ecija, Enero 13 (PIA) -- Umaapela ang mga awtoridad sa bayan ng Santa Rosa na igalang ang mga harang sa mga proyektong pang-imprastraktura upang maiwasan ang disgrasya. Kaugnay ito sa pagkalunod ng isang 25 taong gulang na ginang matapos mahulog ang sinasakyang motorsiklo sa matubig na bahagi ng isang floodway na isinasaayos sa Barangay San Jose. Sa ulat ni Barangay Kapitan Manding Manuel sa Sangguniang Pambayan, nagpumilit tumawid ang asawa ng biktima sa kabila ng kanilang babala na pinagbabawal ang pagdaan sa isinasaayos na floodway project ng National Irrigation Administration. Ang floodway project doon ay matatagpuan sa gitna ng kabukiran na kadalasang ginagawang short cut papuntang Cabanatuan o di kaya ay sa Aliaga. Napag-alaman na hinarangan ito ng NIA na mga malalaking bato at kawayan sa bungad ng proyekto bago mangyari ang insidente subalit mayroong nangahas na magtanggal nito. Sa ngayon, mahihirapan nang dumaan ang mga motorsiklo sa floodway dahil ibinalik na ang mga bato at inaayos na ang palusong na daan. Nakikipagtulungan rin ang NIA sa pamahalaang bayan ng Santa Rosa upang matiyak na mahusay at ligtas ang mga canal na dinadaanan ng kanilang tubig pang-irigasyon. (WLB/LDRP PIA-3) |