PIA Press Release Thursday, January 26, 2012Tagalog News: 'Fun run,' magsisilbing panimula ng pagdiriwang ng ika-33 anibersaryo ng AuroraBALER, Aurora, Jan. 26 (PIA) -- Sa ika-33 anibersaryo ng pagkakatatag ng lalawigan ng Aurora, may mga kaganapan at programang nakalinyang gawin mula Peb. 13 hanggang 19 na may kaugnayan sa temang, “Pinakamahusay na Kultura ng Aurora, Ipinagmamalaki Namin! Pamana Namin!”Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Araw ng Aurora 2012, isang fun run na tinaguriang “Takbo Para Kay Doña Aurora” ang gaganapin sa Peb.4, sa ganap na ika-4 ng hapon, na magsisimula sa Sentro Baler papunta sa fish port area, sa Sitio Cemento, Brgy. Zabali at babalik sa Sentro Baler bilang pagtatapos ng takbuhan. May apat na kategorya ang naturang "fun run." Ito ay ang 15-km run, 10-km run at 3-km run. Ang pinakamalayong takbo ay lalahukan ng mga mananakbong propesyonal at bukas sa ibang naghahangad ng mas mahabang kilometro ng pagtakbo. Ipamamahagi ang singlets at race bibs bago simulan ang pagtakbo sa umpisa ng kaganapan. May programa matapos ang pagtakbo upang lubos na makapagpahinga ang mga mananakbo mula sa lahat ng kategorya. P300 bilang kabayaran sa pagpapatala ang kokolektahin upang bayaran ang mga gastos sa pagsasagawa ng gawaing ito at madagdagan ang mga pondo para sa programang pangkawanggawa ng pamahalaang panlalawigan ng Aurora. Ang mga mag-aaral na may ID ay magbabayad lang ng P100. Para sa karagdagang impormasyon at katanungan, maaaring makipag-ugnayan kay Col. Kurt A. Decapia, Chairperson ng Fun Run o sa kanyang mga tauhan na sina Cpt. Rozell R. Ticar (CP NO. 0919-3350-494) at Cpt. Roberto A. Agustin (CP No. 0919-3286-814) ng 48th Infantry (Guardians) Battalion, 702nd, Infantry Brigade, 7th Infantry Division ng Philippine Army. (WLB/JSL/PIA-3) |