PIA Press Release Thursday, January 26, 2012Tagalog News: Ecija covered court, ibabahagi din sa publikoni Camille C. NaganoCABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Enero 26 (PIA) -- Ipapagamit ng Nueva Ecija Provincial Police Office (NEPPO) ang kanilang bagong bendisyong covered court sa publiko. Ito ang ipinahayag ni Police Provincial Director Senior Superintendent Roberto Aliggayu sa kanyang mensahe sa okasyon ng pagbebendisyon ng bagong tayong covered court ng pulisya nitong Miyerkules. Ani Aliggayu, itinayo ang court hindi lang para maging lugar ng pagsasanay ng mga pulis kundi para masuportahan din ang iba pang pangangailangan ng probinsiya. Sinabi ni Director Aliggayu na malaking tulong ang NEPPO covered court sa mga pulis bilang lunan na pagdarausan ng mga malalaking simposiya at makatutulong din ito sa panahon ng kalamidad bilang posibleng evacuation center. Dagdag pa ni Aliggayu, handa itong ipagamit ng NEPPO sa mga sibilyan o pribadong mamamayan para sa iba’t ibang okasyon tulad ng kasal, binyag at sports activity. Ang naturang covered court ay handog ni Governor Aurelio Umali sa mga kapulisan ng lalawigan. Si Umali ang panauhing pandangal sa pagpapasinaya ng NEPPO covered court. (WLB/CN/PIA-3) |