PIA Press Release Sunday, January 29, 2012PNP, patuloy sa paglaban sa kriminalidadby Mamerta P. De CastroBATANGAS CITY, Enero 29 (PIA) -- Upang patuloy na makapagbigay ng maayos na serbisyo at paglilingkod sa taumbayan, mas lalo pang pinaigting ng Philippine National Police (PNP) sa lalawigan ang kanilang kampanya kontra kriminalidad. Isa ang Oplan Trojan War sa mga programa ng mga kapulisan upang masawata ang masasamang elemento sa bawat bayan na nasasakop ng lalawigan kung saan kamakailan ay ipiniresenta ang accomplishment nila kaugnay nito. Sinabi ni Police Senior Inspector Liezl Dimaandal, public information officer ng Batangas Provincial Police Office(BPPO), nakapagtala ang kanilang tanggapan ng 99 na beses kung saan naging matagumpay ang kanilang pag-aresto at paghuli sa mga taong lumabag sa batas partikular ang mga lumabag sa RA 9165 o Dangerous Drugs Act, RA 8294 o Illegal possession of firearms at mga most wanted person sa lalawigan. Sa tala, naisagawa ng maayos ang nasabing operasyon sa bisa ng mga search warrant at warrant of arrest na ipinalabas ng iba't ibang Regional Trial Courts. May kabuuang 12 kaso ang nasakote na lumabag sa RA 9165, 13 sa RA 8294 at naaresto ang may 75 katao na tinaguriang Most wanted sa iba't-ibang bayan sa lalawigan. Kaugnay nito,patuloy pa rin ang isinasagawang operasyon ng bawat istasyon ng pulis upang maipagpatuloy ang paglaban sa kriminalidad at masiguro ang kaligtasan ng mga Batangueno.(MPDC, PIA-Batangas) |