PIA Press Release Monday, January 30, 2012Tagalog news: Paghahanda sa anumang kalamidad, prayoridad ng BatangasBATANGAS CITY, Batangas, Enero 30 (PIA) -- Isa sa binibigyang-prayoridad ng pamahalaang panlalawigan ang paghahanda sa anumang kalamidad na maaaring tumama sa dito. Sa isang panayam kay Governor Vilma Santos-Recto, sinabi nito na magmula ng manungkulan siya bilang punong-lalawigan ay tinutukan na niya ang mga paghahanda kaugnay ng iba't-ibang kalamidad at nasubok ito noong nakaraang taon kung saan naging aktibo ang Bulkang Taal. Ayon sa opisyal, lubha siyang nabahala noong itinaas ng Philvolcs ang alert status ng naturang bulkan kung saan may 12 munisipalidad ang posibleng maapektuhan. Ngunit bago pa man mangyari ang inaasahang pagsabog, nakahanda na ang mga komunidad sa paligid ng bulkan sapagkat nakapag-organisa na ng disaster risk reduction management council ang bawat barangay at bayan gayundin ang pagkakaroon ng disaster preparedness and response system at early warning system. Patuloy din ang koordinasyon sa mga lokal at nasyunal na tanggapan upang masiguro na ang pagbibigay ng serbisyo at tulong ay hindi mababalam. Kaugnay pa nito,may mga risk reduction infrastructure program na ginagawa ang pamahalaang panlalawigan tulad ng mga slope protection sa tabing daan lalo na sa mga daang prone sa landslides. Bukod pa dito, may nakahanda ding geohazard map upang maipamahagi sa mga bayan at mas lalo pang makapaghanda sa kanilang disaster preparedness plan at strategy. Ito ay bilang pagtugon din sa isinusulong ng administrasyong Aquino batay sa Philippine Development Plan. Dagdag pa ng gobernador na mas lalong kailangan ito ngayon lalo na at ilang mga bayan sa lalawigan ay idineklara ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) bilang flood-prone at landslide prone base sa kanilang isinagawang assessment. (MPDC, PIA-Batangas) |