PIA Press Release Monday, January 30, 2012Tagalog news: Proyektong pang-imprastraktura sa Batangas, patuloy na ipinatutupadBATANGAS CITY, Enero 30 (PIA) -- Iniulat ni Provincial Engineer Nerio Ronquillo na patuloy ang pagpapatupad nila ng mga proyektong pang-imprastraktura sa buong lalawigan ng Batangas. Sinabi ni Ronquillo na sa taong ito, may 17 kilometrong kalsada ang nakahanay na kanilang isasagawa. Maliban dito may 92 kilometrong daan sa iba't ibang bahagi ng lalawigan ang naipa-konkreto na simula 2007 hanggang 2011 kung saan mas naging madali na ang pagpunta sa mga paaralan, ospital, palengke at iba pang lugar at dahilan din ng pagdagdag sa mga negosyong pumapasok sa lalawigan. Dagdag pa ni Ronquillo, bahagi ng pagpapatupad ng programang imprastraktura ay ang hangarin ng kasalukuyang administrasyon na maisakatuparan mga proyektong nakatuon sa Philippine Development Plan (PDP) na isang kumprehensibong plano tungo sa pag-unlad na binuo ng pamahalaang nasyonal. Bukod pa dito, nakapagpatayo na din ang pamahalaang panlalawigan ng 94 na school buildings katumbas ng 378 silid-aralan mula 2007 hanggang 2011 kung saan nakatakda ding ipatayo ang karagdagang 12 school buildings na maglalaman ng may 38 classrooms sa taong ito. (MPDC, PIA-Batangas) |