PIA Press Release Tuesday, January 31, 2012Tagalog news: Philhealth, 17 taon na sa pagbibigay ng de-kalidad na serbisyoBATANGAS CITY, Enero 31 (PIA) --Kasabay ng paggunita ng araw ng mga puso, ipagdiriwang naman ng Philhealth Insurance Corporation (Philhealth) ang ika-17 taong anibersaryo nito sa ika-14 ng Pebrero na may temang “Sa Philhealth, Pinalawak na Serbisyo, Garantisado.” Ang Philhealth ay ang tagapagtupad ng National Health Insurance Program (NHIP) sa bisa ng RA 7875 na naglalayong magbigyan ng social health insurance coverage ang lahat ng Filipino at siguraduhing may access ang lahat sa de kalidad na serbisyong pangkalusugan. Sa bisa ng Proclamation 1400, idineklara ang buwan ng Pebrero ng bawat taon bilang Philhealth month. Kabilang sa month-long celebration ng Philhealth ay ang press conference na isasagawa sa February 2 at isang banal na misa sa ika siyam ng umaga sa February 14 sa kanilang bagong tanggapan na matatagpuan sa Caedo Commercial Center sa Barangay Calicanto. Nakatakda din silang magsagawa ng hospital visitation sa ika-17 ng Pebrero kung saan magbibigay sila ng regalo sa ilang piling mga miyembro. Inaanyayahan naman nila ang kanilang mga members na makiisa sa kanilang blood donation project sa huling linggo ng Pebrero sa pakikipagtulungan sa Philippine Red Cross Batangas Chapter. Ayon kay Pinky Parto, public relations officer ng Philhealth, marami ang nangangailangan ng dugo kayat inaasahan nila na marami ang lalahok sa bloodletting na ito. Muling magsasagawa ng Philhealth Sabado sa March 10 kung saan magtatayo sila ng information booth para sa kanilang mga myembro sa SM City Batangas. Dito ay malalaman nila ang mga requirements para maging myembro at ang mga benepisyong makukuha dito. Isang mini-olympics/sportsfest ang gagawin ng mga kawani ng Philhealth sa buwan ng Abril at ang paghirang naman sa Ms Philhealth na ala Santacruzan ang kanilang gagawin sa buwan ng Mayo. Ipinababatid din ng Philhealth na sa Hulyo ay nakatakdang tumaas ang premium contributions ng mga individual paying member, sponsored members at mga OFWs upang maging mas malawak ang serbisyo para sa kanila. May 10 taon na ang nakararaan nang huling magkaroon ng pagtaas sa kontribusyon. (Ronna E. Contreras, PIO Batangas City/PIA-Batangas) |