PIA Press Release Friday, January 06, 2012Tagalog news:Oriental Mindoro, 6 bayan humakot ng DILG ‘Seal of Good Housekeeping’ni Louie T. Cueto CALAPAN CITY, Oriental Mindoro, Ene. 6 (PIA) –Iginawad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa lalawigan at sa lungsod na ito kasama ang lima pang bayan ang prestihiyosong “Seal of Good Housekeeping” award noong Disyembre 27. Ang parangal ay tumutukoy sa kakayahan ng lokal na pamahalaan sa larangan ng pagpaplano, maayos at bukas na pamamahala, handa sa pananagutan at pagpapahalaga sa antas ng mga nagagawa ng isang local government unit. Dahil sa naturang parangal, ang lalawigan ay nakatakdang tumanggap ng P7 milyon, P3 milyon para sa lungsod ng Calapan at P1 milyon bawat isa sa mga bayan ng Baco, Victoria, Naujan, Pinamalayan at Bansud. Nakapag-ambag ng malaki sa pagkapanalo ng lalawigan ang pagkakaroon nito ng bukas na pamamahala, regular na pagsusumite ng financial report at ulat sa mga nangyayari at nagagawa ng kani-kanilang nasasakupan. “Kaya naman matagal ding nangarap ang lalawigan na mapagkalooban ng ganitong parangal tanda ng maayos na pamamahala at responsableng pagganap sa mga iniatang na tungkulin ng bayan,” sabi ni Gob. Alfonso V. Umali, Jr. bilang reaksyon. Tinanggap ni Umali ang parangal kay DILG Provincial Director Samuel Borja kasama sina Baco Mayor Graciano Dela Chica, Victoria Mayor Alfredo Ortega, Jr., Pinamalayan Mayor Wilfredo Hernandez, Manny Regencia bilang kinatawan ni Bansud Mayor Ronaldo Morada, at iba pang mga kinatawan ng mga bayan ng Naujan at Puerto Galera, gayundin ng lungsod ng Calapan. Ayon kay Borja, ang Seal of Good Housekeeping ay maituturing na isang master key na magbubukas sa magagandang oportunidad para sa lalawigan at mga bayang nakatanggap nito. Ito aniya, ay resulta ng maayos na pamamahala ng isang pamunuan. Kabilang sa mga pinagbatayan ng pagkakaloob ng parangal ay ang ulat mula sa Commission on Audit (COA) kaugnay sa mga naisumiteng papel at ang pagkakaroon ng transparency sa financial statements ng mga proyekto at programang ipinapatupad ng tanggapan. (LBR/ LTC/pia4-b/OrMin) |