PIA Press Release Thursday, January 12, 2012Tagalog news: Jr. NBA coaches at basketball clinic isasagawa sa Puerto PrincesaPUERTO PRINCESA CITY, Palawan, Enero 12 (PIA) --Nakatakdang idaos sa lungsod ang Jr. NBA coaches and basketball clinic na hatid ng Jr. National Basketball Association (Jr. NBA) at ng Alaska Milk Corporation. Ang coaches clinic ay isasagawa sa City Coliseum sa Enero 15 na magsisimula sa ganap na ika-1 hanggang ika-7 ng hapon, samantalang sa Enero 16 naman isasagawa ang basketball clinic sa Seminario de San Jose Gymnasium. Layunin ng programa na makatulong sa pagpapa-unlad at paghubog sa mga kaugalian tulad ng Sportsmanship, Teamwork, positive Attitude, at Respect (S.T.A.R.) ng mga kabataang Pilipino sa pamamagitan ng kapana-panabik at masayang programang isport partikular na ng basketball. Ang mga panauhin sa aktibidad na ito ay sina Ritchie Lai, Events Director ng NBA Asia Limited na magbibigay ng kanyang mensahe sa pagbubukas ng coaches clinic, gayundin si Martin Conlon, Jr. NBA head coach na magbabahagi ng kaalaman sa mga partisipante. Umaasa si Mayor Edward Hagedorn na sa pamamagitan nito ay lalo pang mapaunlad ang kakayahan ng mga manlalarong Palawenyo partikular na sa larangan ng basketball. Ang aktibidad na ito ay naisakatuparan sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ni Hagedorn, Vice-Mayor Lucilo R. Bayron at ng mga konsehal ng lungsod sa Jr. NBA. Ang Jr. NBA ay inilunsad noong 2007 sa bansa. Maliban sa Puerto Princesa, bibisitahin din ng ng grupo ang Pampanga at Cagayan de Oro. (OCJabagat/PIA4B-Palawan) |