PIA Press Release Monday, January 30, 2012Tagalog News: Honor at horror lists ng mga sasakyan, iminungkahini Louie T. CuetoCALAPAN CITY, Oriental Mindoro, Enero 30 (PIA) -- Inimungkahi ni Gobernador Alfonso V. Umali, Jr. ang pagkakaroon ng “honor list” at “horror list” para sa mga sasakyang pumapasok sa lalawigan at bumabiyahe sa kahabaan ng Strong Republic Nautical Highway (SRNH). Ang “honor list” ay para sa mga motoristang maayos magpatakbo ng kanilang mga sasakyan samantalang ang “horror list” naman ay para sa mga sasakyang malimit na masangkot sa mga traffic violations o makaaksidente. Partikular ito sa mga pampasaherong sasakyan kabilang na ang mga tinatawag na ‘killer bus.’ Kaagad na sumang-ayon ang karamihan ng mga dumalo sa ginanap na pagpupulong ng transport groups sa lalawigan. Ang naturang pagpupulong ay ipinatawag ni Umali upang bigyang pansin ang mga kababayan niyang nabibiktima ng aksidente kasangkot ang mga malalaking sasakyan na kalimitang nangyayari sa SRNH. Pinangunahan ni Umali ang pulong kasama sina Executive Assistant Dr. Marpheo Marasigan, Provincial Administrator Angel Saulong at Bishop Warlito Cajandig. Maliban sa mga dumalong operator ng mga sasakyan, dumating rin ang ilang kinatawan ng Philippine National Police, Philippine Army, representante ng simbahan at iba pang kaugnay na ahensya ng pamahalaan. Napag-usapan din sa pagpupulong ang mga naghahabulang mga van sa highway na pangunahing sanhi ng mga aksidente noong nagdaang mga araw. Isa na rito ang aksidente sa pagitan ng van at sasakyan ng Philippine Army sa highway ng barangay Leido, Victoria kung saan tatlo ang namatay. Dahil dito, sinabi ni Bishop Cajandig na nararapat na pagsama-samahin ang lahat ng naiisip na solusyon upang maiwasan ang mga aksidente sa daan. Ang mga nakikitang solusyon ay ang paglalagay ng traffic signs 100 metro bago marating ang mga delikadong daan at mga on-going na konstruksyon ng kalsada. Isasailalim din ang mga driver sa oryentasyon hinggil sa maingat at ligtas na pagmamaneho. Maglalagay din ng signages para sa speed limit. Inimungkahi rin ang paglalagay ng mga signs na “How is my driving” kasama ang contact number ng nagmamaneho sa likod ng sasakyan. Pinag-aaralan din ang pagbabawal sa pag-aangkas ng mga bata sa motor. 50 porsyento ng mga aksidente sa daan ay mula sa mga motorsiklo, ayon kay Land Transportation Office (LTO) Chief Erlinda Garcia. Ang iba pa sa mga dahilan ng aksidente sa lalawigan ay ang pagmamaneho nang nakainom, hindi pagtsek sa mechanical defect ng sasakyang bago i-byahe, overspeeding, paggamit ng cellphone habang nagmamaneho, lubak-lubak na daan, walang pakundangang hit & run, maling pag-overtake, maling pagliko at overloading. (LBR/LTC/pia4b/calapan) |