PIA Press Release Monday, January 30, 2012Tagalog News: Programang pangkabuhayan, ipinagkaloob sa mga senior citizenni Louie T. CuetoCALAPAN CITY, Oriental Mindoro, Enero 30 (PIA) -- Sinimulan na ng pamahalaang panlalawigan ang pagpapahiram ng tulong-puhunan sa mga senior citizen na nakatakdang bayaran sa loob ng tatlong taon na walang interes, sa kundisyong magamit ito sa programang pangkabuhayan at mapalago upang marami ang makinabang. Isa sa mga barangay na naging benepisyaryo ay ang Barangay Barcenaga, Naujan, kung saan ang kanilang Barcenaga Elderly Citizens Association (BECA), ay nakatanggap ng P50,000 tulong-puhunan, sa pamamagitan ng Technology Livelihood Development Center (TLDC). Ito ay ginamit sa pagbili ng dalawang inahing baka na inaalagaan sa kasalukuyan ni Gaudioso Asilo, pangulo ng samahan ng mga senior citizen ng naturang barangay. Kapag ang inahing baka ay nakapanganak, ililipat naman ito sa ibang kasapi ng kanilang samahan upang maparami at makinabang ang lahat ng kanilang kasapi. Ayon kay Asilo, humigit-kumulang sa dalawang daang kasapi nito ang makikinabang sa benipisyo ng programa. Prayoridad ng pamahalaang panlalawigan na ang alalayan at bigyan ng tulong ang mga senior citizen upang maipagpatuloy ang kanilang kabuhayan at mabigyan ng pagkakaabalahan sa kanilang pangaraw-araw na pamumuhay. (LBR/LTC/pia4b/calapan) |