PIA Press Release Tuesday, January 31, 2012Tagalog News: Transparency sa Kapitolyo, ipinatutupadni Louie CuetoCALAPAN CITY, Oriental Mindoro, Enero 31 (PIA) -- Upang higit na masigurong may ginagawa at natatapos ang trabaho ng bawat tanggapan ng pamahalaang panlalawigan sa buong isang linggo, higit ngayong pinag-iibayo ang ‘transparency’ sa bawat tanggapan sa kapitolyo sa pamamagitan ng paghihigpit sa pagdalo sa regular na pagpupulong ng mga hepe at punong dibisyon. Ang pagpupulong na regular na pinangungunahan ni Provincial Administrator Angel M. Saulong bilang presiding officer, kasama sina Executive Assistant Dr. Marpheo Marasigan at Organizational Development Consultant Dr. Nelson Buenaflor ay bilang pagsunod na rin sa atas ni Gobernador Alfonso V. Umali, Jr. na magkaroon ng tuwing ikalawang linggong pagpupulong ang mga department head, division chiefs at program implementers. Ito ay upang regular na makapag-ulat ng mga nagawa ng kani-kanilang tanggapang nasasakupan at mapag-usapan ang mga pinakahuling suliraning kinakaharap ng mga ito at estado ng ginagawang karampatang solusyon para rito. Sinisiguro ng gobernador na kahit wala siya sa lalawigan ay maayos na napapadaloy ang mga serbisyo ng bawat tanggapan at kaagad niyang nalalaman sa pamamagitan ng mga isinusumiteng weekly accomplishments ng mga ito at ang mga pinakahuling ipinatutupad na programa at proyekto ng bawat tanggapan. Kamakailan lamang ay ibinaba ni Saulong ang mahigpit na panuntunan na dapat sundin upang siguruhing mabibigyan ng sapat na oras ang pagdalo rito sa pamamagitan ng pagpapataw ng multa sa mga mahuhuli sa pagdalo at hindi makadadalo rito. Kabilang sa mga panuntunan ang P500 multa sa mga mahuhuli ng dating sa itinakdang oras ng pagsisimula ng pagpupulong, P1,000 multa sa bawat isang beses na hindi makadadalo rito at ang pagbabawal sa pagpapadala ng kinatawan sa pagpupulong. Sa ganitong paraan nagiging bukas ang kapitolyo sa mamamayang Mindoreño sa mga nangyayari at mga nagagawa ng pamahalaang panlalawigan sa pakikiisa ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaang lokal. (LBR/LTC/PIAIVB/CALAPAN) |