PIA Press Release Tuesday, January 31, 2012Tagalog news: Metro Manila mayors tutugunan ang hamon ng climate changeni Lucia F. BroñoQUEZON CITY, Enero 31 (PIA) -- Malalim ang dagok na idinulot ng bagyong Ondoy na muling pinaalala ng bagyong Sendong kaya’t sa nakaraang pulong ng Metro Manila Council, isang resolusyon ang kanilang binuo at pinirmahan upang matugunan ang hamon ng climate change. Nakapaloob sa resolusyon na magsasagawa ng kanikanilang action plan ang lahat ng Metro Manila (MM) mayors upang maiwasan at mabawasan ang mga pinsalang dulot ng kalamidad sa kabuhayan, propiedad at buhay ng tao. Ang action plan ay kanila ding tugon sa payo ni Climate Change Commission (CCC) Secretary Mary Ann Lucille Sering na kanilang naging resource person sa pulong na iyon. Ipinaliwanag ni Secretary Sering na sa ilalim ng Section 14 ng Republic Act No. 9729, ang mga lokal na pamahalaan (LGUs) ang dapat nangunguna sa pagbabalangkas, pagpaplano at pagsasagawa ng climate change Action plan sa kanikanilang lugar. Ito ay alinsunod sa probisyon ng Local Government Code ng National Framework Strategy on Climate change at ng National Climate Change Action Plans. “Ang mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila ay maaaring humingi ng technical at financial assistance mula sa national government sa pagsasakatuparan ng kanilang action plan,” dagdag ni Sering. Pahayag naman ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Francis Tolentino sa isang panayam. “Bilang tugon sa hiling ng Climate Change Commission, ang mga LGU ay babalangkas ng kanilang action plan alinsunod sa National Climate Change Action Plan, na siyang roadmap for climate change adaptation and mitigation ng ating pamahalaan.” “Amin pong tinalakay sa MMC ang karagdagang pakikiisa at pakikilahok para sa pagtugon sa tawag na mapagaan ang mga problemang dulot ng climate change,” dagdag pa niya. Kaugnay nito hinimok ni Tolentino ang mga mayor na tangkilikin at gayahin ang mga nauna nang ginawa ng ibang mayor sa pagtugon sa hamon. Kaniyang pinapurihan ang pagbawal sa paggamit ng plastic at styropor sa mga packaging product sa mga lungsod ng Muntinlupa, Las Piñas, Makati, Quezon City at ng munisipyo ng Taguig. Nagagalak siyang susundan na rin ito ng mga lungsod ng Mandaluyong, Caloocan, Manila at Valenzuela. Sinabi rin ni Chairman na ang maayos na pagtatapon ng mga basura ay malaki ang magiging kontribusyon. Sa parte naman ng MMDA, kanilang ipagpapatuloy ang estero blitz upang ang mga daluyan ng tubig sa Kamaynilaan ay tuluyan ng matanggal ang mga bara at maiwasan ang mga pagbaha. Aniya pa, malaki ang hamon na kailangang tugunan kaya’t ang marubdob at masigasig na pagtugon ng iba’t ibang lokal na pamahalaan upang makatugon sa hamon ng climate change ay dapat lang tularan, pagpurihan at pasalamatan. (LFB/RJB/PIA-NCR |