PIA Press Release Thursday, January 26, 2012Tagalog News: Sapat na klasrum, fasilidad at edukasyon para sa lahat, tugon ng Ilocos Norte sa MDGni Cherry Joy S. DiscayaLAOAG CITY, Jan. 26 (PIA) --- Sapat na silid-aralan, pagkakaroon ng maayos na pasilidad at edukasyon para sa lahat ang tinututukan ngayon ng lokal na pamahalaan ng Ilocos Norte bilang tugon sa Milennium Development Goals (MDG). Sa pamamagitan ng Provincial Education Department (PED) ng lokal na pamahalaan, sinisiguro nito na ang layunin na maabot at matugunan ang lahat ng pangangailangan sa edukasyon sa lahat ng sulok ng probinsya ay naibibigay. Mayroon nang kabuuan na 13 silid aralan na binubuo ng dalawang kwarto ang naipatayo para sa mga mag-aaral ng elementarya. Maliban pa dito, may daang silid-aralan na din ang napaayos partikular na sa mga liblib na lugar simula pa noong taong 2010, kung saan nagsimula ang implementasyon ng nasabing proyekto. Ayon kay Jeanette Dials, pangulo ng PED, sinisiguro daw nila na lahat ay mabigyan ng pagkakataon na makapag-aral sapagakat batid daw nila ang kahalagahan ng edukasyon. Ito ay para magkaroon din ng sapat na paghahanda ang mga bata sa mas mataas na antas ng edukasyon. Sa aspeto naman ng pagbibigay ng pantay-pantay na oportunidad sa edukasyon, patuloy pa rin ang probinsya sa paggawad ng scholarships sa mga mag-aaral dito. Mula 6,000 iskolar, tumaas ito sa kulang-kulang na 10,000 noong nakaraang taon. Dahil dito, naglaan ang lokal na pamahalaan ng P6 Million pundo bilang pantustos sa lahat ng pangangailang edukasyon ng mga nasabing iskolars. Kabilang na ang stipend, tuition fees at iba pang pangangailangan. “Patunay lamang na ang ating lokal na pamahalaan ay nagbibigay ng sapat na suporta para sa pagpapaunlad ng edukasyon ng mga kabtaan bilang tugon sa Millennium Development Goals ng bansa” pahayag ni Dials sa opisyal na website ng Ilocos Norte. Bilang patunay sa positibong bunga ng mga nasabing benepisyo, tumaas naman ang bilang ng mga enrollees, mula 11.21 porsiyento sa taong 2010, tumaas ito sa 23.57 porsiyento. Kinabibilangan ito ng antas sekundarya, elementarya at kindergarten. Sa taong ito, mas paiigting pa ng lokal na pamahalaan ng Ilocos Norte ang proyekto. Kabilang sa mga ito ay ang paggawad ng mas maraming scholarship, pagbibigay ng libreng transportasyon sa mga mag-aaral, sapat na gabay sa pag-aaral, at pagbibigay insentibo sa mga guro at mag-aaral. Milya-milya na ang nararating ng probinsya sa pag-abot ng MDG. Ang pagbibigay ng mga ganitong benepisyo sa edukasyon ay hindi lamang bilang tugon sa MDG kung hindi para bigyan din ng mas maayos na kinabukasan ang mga kabataan. (ANL/CJD-PIA 1 Ilocos Norte) |