PIA Press Release Saturday, January 28, 2012Tagalog News: Kaso ng illegal logging sa IN bumababy Carlo P. CanaresLAOAG CITY, Jan. 28 (PIA) -- Kumonti ang kaso ng pagsusunog at pagpuputol ng mga puno na walang permit sa Ilocos Norte, ayon kay Engr. Juan delos Reyes Jr., hepe ng Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Yaman (Department of Environment and Natural Resouces) sa lalawigan. “Nakikita natin na sa mga nakaraang taon ay marami ang sinamapahan ng kaso sa korte. Subalit itong mga huling taon ay bumaba ang mga kaso sa korte,” pahayag ni delos Reyes. Bukod sa pagpuputol ng puno ng walang permit ay ang kaingin o pagsusunog ng mga kagubatan ang sanhi ng pagkawala ng mga puno sa lalawigan, paliwanag ni delos Reyes. Bagamat walang binanggit na datos hinggil sa dami ng kaso, sinabi ni delos Reyes na ang dahilan ng pagbaba ng mga kaso ay dahil sa pagtutulungan lokal at nasyonal na pamahalaan. “Aktibo ang ating mga kasama, lalo na ang mga kapulisan - ang mga ‘station commander’, mga ‘chief of police; pati na din ang ating mga alkalde. Dahil aktibo na sila ay nakikita natin na natutugunan na ang problema ng ‘illegal logging at poaching,’ sabi ni delos Reyes. Inamin ng hepe ng DENR sa Ilocos Norte na may mga munisipyo na ang kailangang kagubatan ay hindi na kasing dami ng mga puno kagaya ng dati. “Nandiyan ang mga bayan ng Marcos, Dingras, Carasi na nakikita natin na kaunti na lamang ang puno,” ani delos Reyes. Dahil dito ipinapatupad sa lalawigan ang programa ni Pangulong Benigno Aquino III na National Greening Program. “Sa ilalim ng programa ay dapat lahat tayo ay magtanim ng mga puno sa ating mga kagubatan o sa mga bakuran, plaza, paaralan. Kapit-bisig nating panindigan ang pangangalaga sa ating Inang Kalikasan para sa kinabukasan,” sabi pa ni delos Reyes. Layunin ng National Greening Program na makapagtanim ng 1.5 bilyon na puno sa buong bansa hanggang taon 2016. Sa Ilocos Norte ay kinakailangan magtanim ng 25,000 na puno bawat taon ang lahat ng 557 na barangay. (ANL/CPC-PIA Ilocos Norte) |