PIA Press Release Sunday, January 29, 2012Tagalog News: Patuloy ang mga programa para sa matatanda sa INBy Carlo P. CanaresLAOAG CITY, Jan. 29 (PIA) -- Patuloy ang mga programa para sa mga matatanda sa Ilocos Norte, ayon sa opisyal ng Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad (Department of Social Welfare and Development-DSWD). Sa panayam sa programang “PIA Hour” sa DWFB-Radyo ng Bayan, sinabi ni Lilian Rin, Provincial Social Welfare and Development Officer, maraming programa para sa mga senior citizens ang isinasagawa ng lokal na pamahalaan ng Ilocos Norte at DSWD. “Palagian ang mga miting para sa mga matatanda sa amin sa opisina ng DSWD sa probinsiya . Ang napag-uusapan ay ipinapaalam sa mga grupo sa mga munisipio,” pauna ni Rin. Ang mga matatanda ay miyembro ng mga pederasyon sa kani-kanilang munisipio at sumasailalim sa pangkalahatang pederasyon ng lalawigan o provincial federation. “Para sa mga matatanda na namatay na, mayroon silang programa na Mutual Benefit System. Sa programang ito ay tumatanggap ang pamilya ng namatay ng P13,000 na tulong,” sabi ni Rin. Ayon pa kay Rin, aktibo ang mga matatanda sa mga panahon ng mga piyesta. “Nandiyan ang mga pagsasagawa ng mga patimpalak na layunin ay pagkakawang-gawa o charity contest. Mayroon silang mga masasayang pagtitipon at mga aktibidad para sa kanilang mga barangay o nayon,” aniya Rin. Subalit para kay Rin, isa sa pinakamagandang programa pa din ang ipinapatupad na pagbibigay na 20 porsyento na diskwento sa mga gastusin ng mga matatanda, lalong-lalo na sa pagpapagamot dahil kailangang-kailangan na nila ito. Dahil sa pangangailangan sa kalusugan, nagtayo ang ilang munisipio ng ‘Botika Para Kay Lolo at Lola.’ “Sa halip na mahirapan na pumila ang ating mga matatanda sa mga botika ay makakabili na sila ng mga kailangan nilang mga gamot sa mga botikang ito sa mismong kanilang bayan. At bibigyan pa din sila ng diskwento,” sabi ni Rin. Bukod sa mga programa na ito ay sinimulan na din ang Social Pension na programa ng Pamahalaang Aquino. “Sa Social Pension ay tumatanggap ng P500 bawat buwan ang mga mahihirap na matatanda. Ang mga benipisyaryo nito ay pinili mula sa National Household Targeting System,” paliwanag ni Rin. Ang mga benipisyaryo ay yaong walang pinagkakakitaan, walang tinatanggap na pensyon o kahit man lamang sustento mula sa kamag-anak. Sila din dapat ay hindi bababa sa edad na 77. “Mayroon mga benipisyaryo mula sa lahat ng bayan sa Ilocos Norte. Maganda ang programa na ito ni Pangulong Aquino na nagbibigay ng tulong sa mga talagang mahihirap na matatanda at nabibigyan sila ng pagpapahalaga mula sa pamahalaan,” sabi pa ni Rin. (JCR/CPC-PIA 1 Ilocos Norte) |