PIA Press Release Monday, January 30, 2012Tagalog News: Peb. 3, idineklara ni PNoy bilang isang non-working day sa Bulacanni Vinson F. ConcepcionLUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan , Enero 30 (PIA) -- Idineklara ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang Peb. 3 bilang isang non-working holiday sa lalawigan ng Bulacan bilang paggunita sa ika-85 taong kapanganakan ng senador na si Blas F. Ople. Sa bisa ng Proklamasyon Bilang 323 na pinirmahan ni Executive Secretary Paquito N. Ochoa Jr. noong Enero 25, idineklara ni Pangulong Aquino ang nasabing araw na walang pasok sa trabaho man o paaralan sa buong lalawigan ng Bulacan upang muling sariwain ng mga Bulakeño ang araw ng pagsilang ni Ople. Si Ople ay nanilbihan sa pamahalaan, una bilang kalihim ng Department of Labor and Employment, Department of Foreign Affairs at bilang isang senador kung saan inokupahan ang upuan bilang Pangulo ng Senado. Ayon kay Pangulong Aquino, inilaan ni Ople ang kanyang buong buhay sa matapat na paglilingkod at pagseserbisyo sa mga Pilipino. Si Ople ay isinilang sa bayan ng Hagonoy sa Bulacan noong Pebrero 3, 1927 kay Felix Antonio Ople at Segundina Fajardo. Siya ay nagtapos sa Hagonoy Elementary School noong 1941 bilang valedictorian. Nang sinakop ng bansang Hapon ang Pilipinas noong ikalawang digmaang pandaigdig, sumanib si Ople sa guerilla movement at lumaban sa ilalim ng Del Pilar Regiment at Buenavista Regiment ng Bulacan Military Area na itinatag ni Alejo Santos. Noong 1948, nagtapos si Ople ng high school sa Far Eastern University at nagtapos ng liberal arts sa Educational Center of Asia na dating mas kilala bilang Quezon College sa Maynila. Itinuloy pa rin niya ang kurso ng peryodismo. Siya ay humawak ng iba’t ibang matataas na posisyon sa pamahalaan sa ilalim ng ehekutibo at lehislatura kung saan pinamunuan niya ang Senado noong 1999 hanggang 2000 at kalihim ng Department of Foreign Affairs noong 2002 hanggang sa kanyang pagkamatay noong Dis. 14, 2003. (WLB/VFC-PIA 3) |