PIA Press Release Monday, January 30, 2012Tagalog News: Kabataang lumabag sa curfew, dadalhin sa Kanlungan Centerni Vinson F. ConcepcionLUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Enero 30 (PIA) -- Gumawa ang municipal social welfare office ng isang lugar para sa mga kabataang lumalabag sa curfew. Ang Balagtas Kanlungan Drop In Center, na itinayo noong nakaraang taon sa Brgy. Santol, ay isang pansamantalang tuluyan para sa mga mahuhuling kabataan sa bayan na nasa kalye pa sa itinakdang curfew na 10 p.m. hanggang 4 a.m. “Kumpleto ang pasilidad dito, may silid-tulugan para sa 120 na kabataan, may palikuran, dining area, receiving at social hall, at mayroon ding basketball court,” ani Rolly Dañes, municipal information officer ng Balagtas. Idinagdag ni Dañes na magkahiwalay ang tulugan at palikuran ng mga lalake at babae sa Kanlungan Center na pinatatakbo ng Municipal Social Welfare and Development Office. Ayon sa ulat na inilimbag sa Lakandiwa, ang opisyal na pahayagan ng Balagtas, napag-alaman sa isang pag-aaral ng pamahalaang bayan na nagiging problema ang mga “kabataang palaboy” sa kalsada dala ng kahirapan. Napipilitan umanong tumulong ang mga kabataan sa kanilang mga magulang upang maghanapbuhay sa kalye tulad ng pangangalakal at panlilimos na “kalimitan ay naglalagay sa mga kabataan sa kapahamakan,” saad sa ulat. “[Ang mga gawaing ito] rin ay nagiging daan upang magumon sila sa masamang bisyo,” ani Dañes. Dahil dito, nagsasagawa ang Philippine National Police-Balagtas, mga barangay tanod at opisyal ng Kanlungan Center ng paglilibot sa may 3,000-ektaryang bayan upang hikayatin ang mga menor de edad na manatili na lamang sa center sa itinakdang curfew kaysa lumaboy sa lansangan. Kakapanayamin ang mga kabataan pagdating sa Kanlungan Center upang malaman ang impormasyon tungkol sa kanila at maipagbigay-alam sa kanilang pamilya ang kanilang kinaroroonan. “Nagkakaroon ng maayos na documentation ang mga kabataang dinadala rito at sa kanilang pananatili, sila ay binibigyan ng maayos na tulugan, damit at pagkain,” ani Dañes. (CLJD/VFC-PIA 3) |