PIA Press Release Tuesday, January 31, 2012Tagalog News: CSC 3 patuloy na tumatanggap ng mga nominasyon para sa 2012 Search for Outstanding Public Officials and Employeesni Carlo Lorenzo J. DatuLUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga, Enero 31 (PIA) -- Patuloy na tumatanggap ng mga nominasyon ang Civil Service Commission (CSC) Regional Office 3 para sa 2012 Search for Outstanding Public Officials and Employees. Ayon sa CSC Central Luzon information officer Diana Henson, maaring i-nominate ang mga manggagawa ng gobyerno sa alinman sa tatlong kategorya: ang Presidential Lingkod Bayan, Pag-asa at Dangal ng Bayan awards. Ang Presidential Lingkod Bayan ay iginagawad sa mga indibidwal o grupo bilang pagkilala sa kanilang pambihirang kontribusyon na nagdulot ng matinding epekto sa pampublikong interes at seguridad ng bansa. Sa kabilang banda, ang Pag-asa award ay ibinibigay sa mga indibidwal o grupo na malaki ang naitulong sa dalawa o higit pang tanggapan ng pamahalaan habang ang Dangal ng Bayan ay ipinagkakaloob sa mga kawani o opisyal na nagpakita ng extraordinary act at kagandahang asal. Ang mga nominado ay dapat kasalukuyang nagtatrabaho sa gobyerno. Pinapayagan ng komisyon ang posthumous nomination basta’t ang indibidwal ay namatay habang siya ay aktibo pa sa government service. Bukod dito, ang mga nominado ay dapat nakakuha rin ng hindi bababa sa “very satisfactory” rating sa nakalipas na dalawang evaluation periods at hindi nahatulan ng guilty sa kahit anong kasong administratibo o kriminal. Ang mga nomination forms at requirements ay maaring ma-download sa official website ng komisyon na www.csc.gov.ph. Para sa mga katanungan, maaring tawagan ang regional office ng CSC sa Pampanga sa mga numerong (045) 455-3241, 455-3242, 455-3244 at 455-3245 o di kaya ay bisitahin ang kanilang provincial office sa inyong lugar. Ang deadline ng pagsumite ng mga nominasyon ay sa Abril 30.(WLB/CLJD PIA 3) |