PIA Press Release Tuesday, January 31, 2012Tagalog News: ‘A Day of Prayer,’ isinagawa sa BulacanVinson F. ConcepcionLUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Enero 31 (PIA) -- Daan-daang mga kawani ng pamahalaang panlalawigan at grupong pangrelihiyon ang nagtipon kahapon sa mini-forest ng Kapitolyo para sa isang sama-samang pananalangin para sa kinabukasan ng Bulacan. Sa aktibidad na tinawag na “A Day of Prayer,” sinabi ni Gobernador Wilhelmino Alvarado na panalangin ang sagot sa mga kalamidad at suliranin na kinaharap at haharapin pa ng Bulacan. Aniya, dapat maglaan ng isang minuto ang mga Bulakeño bawat araw tuwing ika-12 ng tanghali upang manalangin sandali. “Yung mga nangyayaring sakuna sa lalawigan, mga kriminalidad, ang sagot po dito ay ang ating mga dasal. Ang dasal ng isang matuwid na tao ay makapangyarihan at epektibo,” ani Alvarado. “Kaya sa pamamagitan nitong isang minutong dasal araw-araw, unti-unti pero tuloy-tuloy, sisimulan natin sa maliit at ating palalawakin. Walang hindi magagawa ang taos-pusong pagdarasal,” dagdag niya. Ayon kay Benny Abante, isang pastor sa Metropolitan Bible Baptist Church and Ministries, dapat pakinggan ng mga matataas na opsiyal ng gobyerno ang “salita ng Diyos” sa halip na unahin ang kanilang mga personal na kagustuhan. “Ang matuwid na bayan ay tumatawag sa Diyos, nakikinig sa Kanyang salita. Napakagandang makita na ang hawak ng ating mga lider ay Bibliya at hindi pera. Kapag nangyari ‘to, mawawala ang korapsyon,” ani Abante. Aniya pa, higit sa 30 porsiyento ng mga buwis ng taumbayan ay napupunta lamang sa korapsyon kung kaya dapat umanong umiwas ang isang matuwid na bayan dito. Kinanta naman ng mga kinatawan ng iba’t ibang grupong pangrelihiyon ang theme song ng Bulacan Day of Prayer na “Kay Ganda ng Bayan Ko”at “Lord, Heal our Land.” (CLJD/VFC-PIA 3) |