PIA Press Release Tuesday, January 31, 2012Tagalog News: Libreng operasyon sa mata, ipagkakaloob sa mga may katarata, pugitani Vinson F. ConcepcionLUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Enero 31 (PIA) -- Pagkakalooban ng libreng operasyon sa mata ang mga Bulakeño na may katarata at pugita (pterygium) sa darating na Peb. 8 hanggang 10 sa Calumpit District Hospital. Tinatayang 200 Bulakeño ang ooperahan ng walo hanggang 10 ophthalmologist mula sa Department of Health sa operasyon na tinawag na “Liwanag sa Mata, Handog ko sa Inyo.” Isang eye screening ang isinagawa kahapon para sa mga pasyente na nais sumailalim sa nasabing operasyon. Dagdag pa rito, isang post cataract operation ang isasagawa sa mga pasyente sa Bulacan Medical Center (BMC) sa Peb. 20. Sinabi ni Gobernador Wilhelmino Alvarado na dapat pangalagaan nang mabuti ang mga mata dahil ang mga ito ang sumasalamin sa katauhan ng tao. “Batid natin kung gaano kahirap ang magkaroon ng karamdaman sa mata. Sabi nga nila, ang ating mata ang salamin ng ating kaluluwa kung kaya’t marapat lamang na ito’y ating pangalagaan at panatilihing malusog,” ani Alvarado. “Ang libreng operasyon na ito ay handog natin para sa ating mga mahal na kalalawigan na walang kakayahang magpaopera,” dagdag niya. Ayon kay Dr. Mildred Pre ng BMC, maliban sa medical clearance na manggagaling mula sa doktor, dapat munang sumailalim ang mga pasyente sa ilang pagsusuri gaya ng complete blood count, fasting blood sugar test, at electrocardiogram upang matiyak na handa ang mga pasyente para sa operasyon. Noong nakaraang taon, 268 pasyente na may katarata at pugita ang sumailalim sa libreng operasyon sa mata ng pamahalaang panlalawigan. 60 ang inoperahan noong Hunyo, 80 ng Agosto at 128 ng Oktubre. Ang katarata ay ang paglabo ng lens ng mata. Para sa mga taong mayroon nito, ang kanilang paningin ay mistulang pagtingin sa isang bintanang nahamugan o Malabo. Ang pugita naman ay ang paglaki ng conjunctiva o ang manipis at malinaw na tissue ng mata na pumapatong sa sclera o ang puting parte ng mata. (CLJD/VFC-PIA 3) |