PIA Press Release Sunday, January 29, 2012Tagalog News: DepEd 12, umaapela sa mga magulang na iparehistro na ang mga anakni Danilo E. DoguilesKORONADAL CITY, South Cotabato, Enero 29 (PIA) -- Kasabay ng Expanded Early Registration kahapon, Enero 28, umaapela ang pamunuan ng Department of Education Region 12 (DepEd-12) sa mga magulang na iparehistro na ang kanilang mga anak na na nakatakdang papasok sa pre-school, grade 1 at first year high school. Sa isang panayam, ipinaliwanag ni Dr. Ma. Rosa Gutierrez ng DepEd 12, layon ng maagang pagtatala ng mga mag-aaral na papasok sa school year 2012-2013 ang mapaghandaan ng ahensiya ang mga kakailanganin sa pagbubukas ng klase sa Hunyo. Sa ganitong paraan aniya, matitiyak ng ahensiya kung ilang guro, silid-aralan, silya, lamesa at libro ang kakailangan ng mga mag-aaral na papasok sa mga pampublikong elementarya at high school. Sa mga magulang na magpapapatala ng kanilang mga anak sa kindergarten at grade 1 kailangan lamang dalhin ang birth certificate ng kanilang mga anak. Ayon sa ilang guro sa Koronadal City, kahit na walang birth certificate, itinatala pa rin nila ang mga bata basta ginagarantiyahan ng mga magulang na ipapasa ito sa susunod na mga araw. Sa mga magpaparehistro sa first year high school , kailangan lamang na magdala ng sertipikasyon na magtatapos ito sa elementarya ngayong school year. Ngayong taon, maliban sa mga sa kindergarten, grade 1 at first year high school, nagrerehistro rin ang DepEd ng mga out-of-school youth, out-of-school children na maaring magpatuloy sa kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng alternative delivery mode (ADM) o alternative learning system (ALS). Nagtatala rin sila ng mga learners with disability para mabigyan ng pagkakataon na makapag-aral kagaya ng iba pang mga bata. (DEDoguiles/PIA 12) |