PIA Press Release Monday, January 30, 2012Tagalog news: Renewable energy solusyon sa kakulangan ng kuryente sa Mindanao, ayon sa bise mayor ng TampakanKORONADAL CITY, Enero 30 (PIA) -- Dapat nang maghanap na ibang pagkukunan ng kuryente ang Mindanao, ayon kay Vice Mayor Relly Leysa ng bayan ng Tampakan sa South Cotabato.Ani Vice Mayor Leysa, pinakamagandang pagkukunan ng suplay ng kuryente ang mga renewable sources tulad ng tubig, hangin, geothermal sources, at solar energy. Maliban sa pinaka-episyente bilang pagkunan ng mga kuryente, hindi pa aniya mahal ang kuryenteng makukuha ng mga naturang power sources. Halimbawa, maaari aniyang tutukan ng lalawigan ng South Cotabato ang solar power subalit mangangailangan ito ng malaking kapital. Magagawa aniya ito kung may mahahanap ang pamahalaang panlalawigan ng mga mamumuhunan para sa pagtatayo ng ganitong mga proyekto. Subalit aminado ang bise alkalde na matatagalan pa bago maipapatupad ang mga katulad na mga proyekto dahil kailangangan ng malaking puhunan para dito. Kamakailan, dumalo si Leysa sa pagpupulong ng Mindanao Advocates for Renewable Energy sa Cagayan de Oro. Kabilang sa mga napag-usapan sa naturang pulong, ayon sa bise mayor ang patuloy na lumalalang kakulangan sa napoprodyus na kuryente mula sa mga hydro-power plants sa Lake Lanao at Pulangi River at ang panukalang privatization ng dalawang planta sa Pulangi River na tinututulan ng grupo ng mga electric cooperative sa buong Mindanao. (DEDoguiles/PIA 12) |