PIA Press Release Monday, January 30, 2012Tagalog news: Pamahalaang panglungsod bumili ng mahigit P60-M halagang 'dredger'COTABATO CITY, Enero 30 (PIA) -- Inipresenta kaninang umaga ni City Mayor Japal Guiani,Jr. sa mga mamamahayag ang isang ‘dredger’ na nabili ng pamahalaang -lokal sa halagang mahigit 60 milyong piso.Ang dredger na gawa sa Britain ay nabili ng pamahalaang lokal sa pamamagitan ng utang mula sa Land Bank of the Philippines (LBP). Ang naturang pautang, ayon sa pahayag ni Guiani ay babayaran ng pamahalaang panglungsod sa loob ng 7 taon. Ang dredger na tinawag na “Amphibious Excavator”ay gagawing panghukay o pang-alis ng mga naimbak na lupa at ibang dumi ( sa mga pangunahing ilog ng lungsod, tulad ng Rio Grande de Mindanao, Tamontaka river at ilog ng Esteros at ibang ‘creek’ na madalas bahain dulot ng sobrang naimbak na lupa sa ilalim at water lilies na nagiging dahilan ng pagbabara. Ang pagbabara ng nasabing mga ilog lalong-lalo na kung may bagyong tumatama sa lungsod ay nagiging sanhi din ng biglaang pagbaha, lalung-lalo na sa mababang lugar. Ayon kay Guiani labis-labis ang kanyang pasasalamat sa pamahalaang nasyonal lalo na kay Pangulong Aquino sa pagbigay-pansin sa matagal ng hiniling ng lungsod na magkaroon ng sariling ‘dredger’. Malaki din ang pasasalamat ni Guiani sa mga miyembro ng Sangguniang Panglungsod sa pag-apruba sa naturang halagang inutang ng city government mula sa LBP. Ipinakita sa mga nagsipagdalo kaninang umaga ang aktual na pagpapandar ng dredger at kung papaano ito humukay ng bara sa Pulangi river. (Moner C. Dayaan-PIA Cotabato City) |