PIA Press Release Monday, January 30, 2012Tagalog news: Mga makinaryang panghukay dumating na sa Cotabato CityKORONADAL CITY, Enero 30 (PIA) -- Kinumpirma ng pamahalaang panglungsod ng Cotabato na dumating na nitong nakalipas na linggo ang mga makinarya at kasamang mga kagamitan na binili bilang paghahanda sa pagbabaha. Ayon kay Aniceto Rasalan, dumating na sa Cotabato City ang amphibious excavator, kasama ang vibrating compactor, barge at ilan pang kagamitan at magagamit na ng pamahalaang panglungsod sa mga aktibidad tulad ng paghuhukay sa mga pangunahing daluyan ng tubig sa lungsod at karatig-pook na pangunahing dahilan ng pagbaha doon sa panahon ng patuloy pag-uulan. Ani Rasalan, nagkakahalaga ang buong package ng mahigit P60 milyon. Dagdag pa ni Rasalan, ang model ng amphibious excavator ang kauna-unahan sa Pilipinas at popular na ginagamit sa mga bansa sa Europe. Noong Biyernes, nagsimula na sa trabaho ang naturang excavator. Una nitong trabaho ang paghuhukay mga sapa ng Barangay Poblacion 1. Layon nito ang palalimin ang mga sapa doon at mapabilis ang pagdaloy ng tubig papunta sa coastal area. Matatandaang napagdesisyunan ng pamahalaang panglungsod na bumili ng sariling excavator matapos ang matinding pagbaha sa Cotabato City at karatig na lalawigan ng Maguindanao noong Mayo at Hunyo, 2012. (DEDoguiles/PIA 12) |