PIA Press Release Tuesday, January 31, 2012Tagalog news: 2 produkto sa Rehiyon 12 napili para sa international branding at packagingKORONADAL CITY, Enero 31 (PIA) -- Dalawang produkto sa Soccsksargen Region o Rehiyon 12, partikular sa lalawigan ng South Cotabato, ang napili para sa international branding development sa tulong ng Japan International Cooperation Agency (JICA). Kinilala ni Department of Science and Technology-12 Regional Director Dr. Zenaida P. Hadji Raof- Laidan, ang mga katangi-tanging produkto na “Kafe Balos” at T’nalak. Ang “Kafe Balos” ay produktong kapeng Arabica nan a-ferment sa tiyan ng civet cat o alamid. Gawa ang naturang produkto ng tribung B’laan sa Mt. Matutum sa mga bayan ng Tupi at Polomolok. Samantala, ang telang T’nalak ay gawa naman ng mga miyembro ng tribung Tboli sa bayan ng Lake Sebu at hinabi mula sa abaka. Ayon kay Director Laidan, ang dalawang produkto ay kabilang sa walong produkto ng Pilipinas na napili ng Industrial Technology Development Institute (ITDI) ng DOST at JICA para sa international packaging at country branding development. Ani Laidan, kaugnay ito sa nagpapatuloy na pagsisikap ng ahensiya at JICA na palalakasin ang mga maliliit na negosyo upang maging “globally competitive.” Kabilang aniya sa kanilang prayoridad ang matulungan ng katangi-tanging mga lokal na produkto upang mapalakas ang kakayahan nito sa pandaigdigang pamilihan sa pamamagitan ng kaakit-akit na packaging design gamit ang tamang packing technology. Paliwanag ni Laidan, hindi lang nakatuon sa dalawang produkto ang kanilang tinutulungan sa international design packaging development project. Tinututukan din aniya nila ang ilang fresh at semi-processed agricultural products tulad ng papaya at marine-based products. Kaugnay rito, hinihikayat ni Laidan ang mga micro, small at medium enterprise na samantalahin ang ayuda ng DOST para sa packaging at labeling sa pamamagitan ng mga training at consultancy services. (DEDoguiles/PIA 12) |